SA gitna ng kontrobersyang kinasasangkutan ng mga kontratista, naghain ng Letters of Authority (LOA) ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga kumpanya sa likod ng maanomalyang flood control projects.
Sa isang kalatas, partikular na tinkoy ng ahensya ang top 15 flood control contractors na una nang tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ang nasabing LOA ay bahagi ng kampanyang Run After Tax Evaders (RATE) kung saan binigyan ng kapangyarihan ang mga examiners na busisiin ang financial records at tax compliance ng mga malalaking kontratista.
“Ang mga Flood Control Contractors ay nakatanggap ng Letter of Authority galing sa BIR ngayong Senate Blue Ribbon hearing. Ang mga LOA na ito ay inisyu gamit ang Run After Tax Evaders program ng BIR upang magbigay linaw sa anomalya sa mga ghost flood control projects,” wika ng BIR chief, na higit na kilala bilang dekampanilyang tax lawyer.
Ginawa ni Lumagui ang pahayag kasabay na rin sa pagsasagawa ng Senate Blue Ribbon Committee ng imbestigasyon sa mga sinasabing korapsyon sa pagpapatupad ng flood control projects ng pamahalaan.
Pagtitiyak ni Lumagui, ibubuhos ng ahensya ang buong kooperasyon sa hangarin ni Presidente Marcos at ng mga mambabatas ilantad ang mga katiwalian kasabay ng giit na “ang buwis ng taumbayan ay para sa totoong proyekto, hindi sa ghost projects.”
Bukod sa audit orders, ipinabatid din ng opisyal ang ipinatutupad na BIR Revenue Regulation (RR) No. 17-2024, na nag-aatas sa mga contractor na magsumite ng updated income tax returns at tax clearances bago sumali sa anumang public biddings.
“Lahat ng contractor na nagnanais lumahok sa mga proyekto ng pamahalaan ay kinakailangan mag-submit ng kanilang pinakahuling income tax returns na maayos na naisumite at na-validate ng BIR,” aniya.
“Kasama na ang tax clearance bilang bahagi ng mga dokumentong kinakailangan para makasali sa bidding ng isang proyekto ng gobyerno,” dugtong niya.
“Lahat ng kumikita sa mga proyekto ng pamahalaan ay nagbabayad ng tamang buwis.”
