Walang kagatol-gatol na ibinahagi ng dalawang babaeng myembro ng KOJC Pastoral Ministry ang di umano'y panghahalay ni Pastor Apollo Quiboloy sa kanila. (Larawan ni CESAR MORALES)
SA halip na gamitin sa kawanggawa, ginastos ni televangelist Pastor Apollo Quiboloy sa karangyaan ang nakalap na donasyon sa pinamumunuang sekta, ayon kay Manila Rep. Joel Chua sa motu proprio investigation ng House Committee on Justice.
Rekomendasyon ng komite, sampahan ng kasong syndicated estafa si Quiboloy — gayundin ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Una nang hiniling ng Estados Unidos ang extradition ni Quiboloy na nahaharap sa mga kasong sex trafficking, fraud, at bulk cash smuggling sa naturang bansa.
“Hindi ba nagso-solicit sila ng help sa ibang bansa? Tapos sasabihin nila gagamitin para makatulong sa mga nangangailangan dito sa ating bansa. But apparently nakikita natin may helicopter, may high-end sasakyan, at kung ano pang high-end living,” bulalas ng Manila lawmaker.
“So in a way, ang purpose kung saan nag-solicit sila dapat supposedly pantulong pero sa iba nagagamit,” dagdag niya.
Hinimok din ni Chua ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na busisiing ang fundraising activities ng KOJC para sa posibleng pagsasampa ng iba pang kaso.
Bilang tugon, sinabi ng AMLC na pinagbigyan ng Court of Appeals (CA) ang kanilang petisyon na magsagawa ng bank inquiry at magpataw ng freeze order na may kaugnayan sa tatlong kaso laban Quiboloy; na tig-isa sa Amerika, Quezon City, at Pasig City.
“We carried out the financial investigation that led us to come up with a case for the filing of a petition for civil forfeiture,” paglalahad pa ng AMLC.
Para naman kay Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña, kasuklam-suklam at malaking insulto para sa ibang matitinong religious leader na tawaging ‘pastor’ si Quiboloy at sa halip ay tukuyin ito bilang ordinaryong ‘mister’ o ginoo sa ginagawang pagdinig ng Kamara.
“Insulto po sa mga totoong pastor na tawaging pastor si Quiboloy. Hindi matatawag na totoong pastor ang sinumang nananakit ng kanyang mga miyembro at nangmomolestiya siya ng mga bata,” anang Akbayan partylist solon.
“Napakaseryoso ng alegasyon ng child abuse, human trafficking, sexual violence at iba pang karumal-dumal na mga krimen na kinakaharap ni KOJC leader Mr. Apollo Quiboloy, hindi lang dito sa ating bansa kundi pati sa Estados Unidos,” dagdag pa niya.
Samantala, ipinabatid naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga kongresista na wala pa rin natatanggap na extradition request ang kagawaran mula sa Estados Unidos para kay Quiboloy.
Ang kumpirmasyon ay ginawa ni DFA Assistant Secretary Raquel Solano, sa pagharap sa komiteng pinamumunuan ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro.
Sa kabila nito, nanindigan si Luistro na ipagpatuloy ang legislative inquiry sa isyu dahil ang extradition ng Pilipinas sa alinmang bansa ay hindi nakabatay sa mga kasong kinakaharap ni Quiboloy.
“Whether or not a request has been actually received by the DFA with respect to the extradition of Mr. Quiboloy, the Committee on Justice shall proceed with its more appropriate inquiry in aid of legislation to respond to its legislative mandate.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
