HINDI pa man ganap na sumisikat ang araw, nabulahaw ang mga kabahayan sa paglusob ng mga militanteng aktibista sa bahay ng mag-asawang kontratista bilang protesta sa umano’y ghost flood control projects.
Pinukol ng putik at minarkahan (gamit ang pintura) ng mga aktibista ang harap ng compound ng pamilya Discaya sa Barangay Bambang sa lungsod ng Pasig.
Ayon sa mga raliyista, wala sa kalingkingan ang kilos-protesta kumpara sa perwisyo ng bahang dulot ng ghost projects na nasungkit ng mag-asawa mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Anila, hindi angkop na mabuhay ng marangya ang pamilya Discaya habang nagdurusa sa perwisyo ng bahang kagagawan ng nabanggit na kontratista.
Ayon kay Colonel Hendrix Mangaldan na tumatayong hepe ng Pasig City Police, malinaw na paglabag sa batas ang ginawa ng mga nagpoprotesta. Gayunpaman, ipauubaya na lamang aniya ng lokal na pulisya sa pamilya Discaya kung sasampahan ng kaso ang mga nagpoprotesta.
Samantala, tiniyak ng pamilya Discaya na mananagot ang mga nasa likod ng kilos protesta, ayon kay Atty. Cornelio Samaniego na tumatayong abogado at tagapagsalita ng mag-asawa.
“We will file a criminal case against the organizer. We are collating evidence based on CCTV,” wika ni Samaniego.
“Malungkot ang mag-asawang Discaya sa nangyari kaninang umaga. Hindi dapat humantong sa ganito… nakikiusap kami sa mga raliyista na maging mahinahon at mangyaring huwag gumamit ng karahasan o sirain ang ari-arian ng mga Discaya,” dagdag ng abogado.
Umapela din siya sa pulisya na i-secure ang compound at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan, lalo na sa mga kilos protesta. (EDWIN MORENO)
