SA hangarin pakalmahin ang ang pag-aalboroto ng mga mamamayan, pormal nang pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga personalidad na tatayong haligi ng Independent Commission kontra katiwalian.
Una nang itinalaga ni Marcos si retired Supreme Court Justice Antonio Carpio bilang pinuno ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Bukod kay Carpio, kabilang rin sa mga hinirang bilang miyembro ng komisyon sina dating Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson, at Rosanna Fajardo ng SGV & Company.
Pasok rin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang tagapayo at imbestigador.
Setyembre 11 nang lagdaan ni Marcos ang Executive Order 94 para sa paglikha ng ICI.
Unang direktiba ni Marcos sa ICI, imbestigahan ang mga alegasyon ng korapsyon, irregularidad, at maling paggamit ng pondo sa mga flood control projects ng gobyerno at iba pang kaugnay na proyekto sa nakalipas na sampung taon.
Bukod sa pagsisiyasat, target din ng komisyon kumpiskahin ang mga ari-arian ng mga mapapatunayan sangkot sa malawakang katiwalian. (LOUIE LEGARDA)
