BULOK na burukrasya at malawakang korapsyon ang nakikitang dahilan sa likod ng napakong pangako ng Department of Agriculture (DA) sa sektor ng agrikultura.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang hindi matapos-tapos na farm-to-market roads sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa datos ng KMP, nasa 36,000 kilometro (katumbas ng P300 bilyon) ng kalsadang magsisilbing daanan ng mga magsasaka sa pagbiyahe ng ani mula sa mga taniman at sakahan.
Panawagan ng mga magsasaka sa Kamara, busising maigi ang hinihinging budget ng naturang departamento para sa susunod na taon.
“Kahit habang buhay pa, hindi matatapos ang backlog sa FMRs kung nauuwi sa korapsyon ang pondo, tulad ng nangyari sa mga flood control projects,” babala pa ng KMP.
Base sa datos na nakalap ng KMP sa DA, nasa higit 20,000 kilometro ng farm-to-market roads ang hindi pa nagagawa dahil sa hindi pa rin pinopondohan ang proyektong may kabuuang halaga na P286.54 billion.
Sa pagtataos ng mga magbubukid, lumalabas na P15 milyon kada kilometro ang kailangan tustusan ng pamahalaan para sa makitid na farm-to-market road.
“The biggest gaps are in Region 11 (Davao Region) with more than 7,000 kilometers worth P65.5 billion, and Region 2 (Cagayan Valley) with 2,707 kilometers worth P36.5 billion,” paglalahad ng KMP.
“DA admits that “Farm-to-Market Roads are supposed to be lifelines for farmers. However, they risk becoming Farm-to-Pocket Roads due to collusion and corruption of agencies, government officials and contractors,” patutsada ng grupo ng mga magsasaka.
Bukod dito, mismong si Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel ang di umano’y naglahad na 12 percent hanggang 15 percent ng local rice production (na nasa 450,000 metric tons) at 30 percent ng vegetable production ang nasasayang dahil sa kawalan ng maaayos na road network.
Giit ng KMP, “kung sinasabi ng DA na FMRs ang gulugod ng food security at susi sa pagbaba ng presyo ng pagkain, bakit nila hinahayaan na magpatuloy ang sistema ng korapsyon at kapabayaan?”
“Every year that the government fails to close this gap on FMRs means more wasted harvests, higher food prices, and deeper poverty in the countryside. Bawat piso para sa FMR dapat napupunta sa kalsada para sa mga magsasaka—hindi sa bulsa ng pulitiko at kontraktor,” bulalas ng KMP. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
