TULUYAN nang pinanindigan ni dating Bulacan first district assistant engineer Brice Hernandez ang alegasyon laban sa sariling amo at maging sa mga kasamahan sa trabaho.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee, inamin ni Hernandez na pinaparte ni former Bulacan District Engineer Henry Alcantara ang kita mula sa mga ghost projects sa nasasakupang distrito.
Bukod kay Alcantara na umano’y may pinakamalaking bahagi sa kita, kasama rin umano siya sa mga nagtamasa, kabilang sina Engr. Jaypee Mendoza, at Engr. Paul Duya.
“Meron po kaming sharing na ‘pag kumita po, si Boss Henry [dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara] po merong forty percent, ako po may twenty percent, si Engineer Jaypee meron pong twenty percent, at si Engineer Paul Duya meron din pong twenty percent,” kwento ni Hernandez.
Ginawa ni Hernandez ang pahayag matapos siyang pagkalooban ng legislative immunity ng Senado para maibahagi niya sa komite ang tungkol sa mga ghost project sa Bulacan.
“‘Yung sharing po, kung magkano po lahat, ‘yun po parang meron pong certain percentage kung magkano po ‘yung naging kita, ‘yun po ‘yung hatian,” dagdag pa niya.
Ibinahagi pa ni Hernandez na ang pagtaas na “tara” ay isa sa dahilan kung bakit sila napipilitan huwag na gawin ang proyekto.
“Paano niyo naisip? Bakit ba? Ano rason? Tumaas ba tara o tumaas ang cost? Bakit hindi niyo ginawa yung mga proyekto,” tanong ni Senador Joseph Victor Ejercito.
Sagot naman ni Hernandez, “At isa na nga rin pong kasagutan,’ yung tumaas po ang tara.”
Nang tanungin ni Ejercito kung saan napupunta ang tara, sinabi ni Hernandez na sa proponent ng isang proyekto. “Sa proponent daw po. Honestly, wala po akong direktang pakikipag-usap sa proponent,” ani Hernandez.
Samantala, pinabulaanan naman ni Alcantara ang akusasyon ni Hernandez.
“Hindi ko po alam sa kanya, Your Honor. Everytime po na may tanong sa kanya, puro po ang turo eh sa akin. Maliwanag ba naman po rito na sinasabi ng mga contractor na sila po ang kausap diyan,” ani Alcantara.
“Pagdating po sa funding, gaya po ng sinabi ko dati, kami po ay nagsa-submit ng wishlist sa regional office po. Wishlist po na nanggagaling sa amin, at after po niyan, sina-submit po nila sa central office. Regarding po du’n sa mga insertions po ng sinasabi niyo po, wala po kaming alam po doon.” (ESTONG REYES)
