PAGSAPIT ng Martes, Setyembre 30, muling gagalaw ang presyo ng mga binebentang produktong petrolyo sa bansa, ayon sa Department of Energy.
Base sa datos ng DOE, inaasahan ang rollback sa presyo ng gasolina, subalit tataas naman ang halaga ng diesel na karaniwang ginagamit ng mga pampublikong sasakyan.
Sa pagtaya ni DOE Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, namumuro ang 80 sentimos kada litrong rollback sa gasolina, habang 40 sentimos naman ang inaasahang dagdag presyo sa kada litro ng diesel.
“Expenses in doing business by the oil companies and other related costs are not yet included in these estimates,” wika ni Romero.
Kabilang sa mga nakikitang dahilan sa paggalaw sa presyo ng petrolyo ang ang umiinit na geopolitical risks bunsod ng panakot na tariff ng Estados Unidos sa mga bansa sa Europa na karaniwang bumibili ng krudo sa Russia.
