SA halip na kriminal, kapwa pulis ang nagbarilan sa loob mismo ng himpilan sa lalawigan ng Abra.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), nangyari ang barilan sa Provincial Explosives and Ordnance Division (EOD) at Canine Unit ng Abra Provincial Police Office.
Batay sa imbestigasyon, lumalabas na nagduda ang police lieutenant na isinumbong siya ng isang police staff sergeant sa regional office dahil sa pagpasok sa trabaho nang lasing.
“Lumalabas na ang suspect ay nagreresponde sa kanilang trabaho na diumano ito ay nakainom o lasing at pinatawag ang suspect natin… sa region. So nagkaroon sila ng misunderstanding,” ani Tuaño.
Kwento ng mga kapwa pulis sa Abra, nagsisipilyo umano ang police staff sergeant nang biglang pumasok ang tenyente na agad na nagpaputok ng apat na beses.
Nang marinig ng mga kapwa pulis ang putok, agad na rumesponde ang isang police senior master sergeant na binaril din ng tenyente.
Bagamat sugatan, nagawa pang gumanti ng putok ang rumespondeng senior master sergeant. Nang humupa ang komosyon, bulagta ang tenyenteng agad na isinugod sa pagamutan kung saan siya idineklarang dead on arrival.
Patay din ang police staff sergeant. (EDWIN MORENO)
