HINDI na umabot pang buhay sa pagamutan ang isang rider matapos araruhin ng isang 10-wheeler truck sa Barangay San Jose, Montalban, sa lalawigan ng Rizal.
Sa ibinahaging impormasyon ng lokal na pulisya, siyam na sasakyan ang sinuro ng truck na kargado ng semento.
Sa ulat ni Lt. Jerry Jerry Cordero, dakong alas 8:00 ng gabi habang binabaybay ng truck ang kahabaan ng Mayon Avenue nang mawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng sasakyan na nagmula pa sa bayan ng San Ildefonso sa lalawigan ng Bulacan.
Batay sa salaysay ng mga saksi, unang inararo ng truck ang isang Toyota Avanza sa gawing likuran – dahilan para salpukin naman ang Toyota Fortuner at Vios.
Bago tuluyang huminto, nahagip pa ng truck ang kaliwang bahagi ng isang modern jeepney na bumangga naman sa isa namang mini-bus.
Dahil sa lakas ng impact, damay rin ang isang tricycle at Toyota Hiace Commuter van.
Todo-depensa naman ang driver na isinailalim sa kustodiya ng lokal na pulisya habang inihahanda ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Multiple Physical Injuries, and Damage to Property.
