MATAPOS ang halos apat na buwan, tuluyan nang natyempuhan ng mga operatiba ng Philippine National Police-Drug Enforcement Unit (PNP-DEU) ang sindikato sa likod ng iligal na kalakalan ng droga sa Quezon City.
Gayunpaman, hindi na umabot sa kulungan ang mga suspek na kinilala lang sa pangalang Jason, Milo at Cal na pawang nasawi matapos piliin manlaban sa mga operatiba.
Batay sa impormasyon nakalap ng Saksi Pinas, naganap ang engkwentro noong araw ng Martes sa Barangay Socorro sa Cubao, Quezon City.
Nasa P68-milyong halaga ng shabu ang sinasabing narekober ng pulisya mula sa mga suspek.
Bagamat matagumpay ang operasyon, sugatan naman ang isang pulis at kasamang impormante, habang isang suspek ang nakatakas.
Kabilang rin sa mga narekober ang 10 bloke ng shabu, tatlong baril, boodle money, at iba pang ebidensya. (LILY REYES)
