HINDI magiging madali sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsang-ayon ng senado sa hirit na budget para sa susunod na taon.

Sa gitna ng pagtalakay ng senado sa panukalang budget para sa naturang ahensya, sinita ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mga red flag na nasilip sa 1,107 infrastructure projects ng departamento.

Ang halaga — tumataginting na P251 billion.

Kabilang sa mga tinukoy na red flags ang kawalan ng station number ng mga proyekto, duplicated projects (lumabas na sa 2026 pero inulit sa 2027), kawalan ng coordinates, lump sum projects, overlapping na mga proyekto, at hindi tukoy na work scope.

Inamin naman ni DPWH Secretary Vince Dizon ang mga red flags na tinukoy ni Gatchalian, kasabay ng giit na natugunan na ng pamunuan ng ahensya ang mga nasabing aberya. 

Katunayan aniya, bumaba sa 994 projects ang nirerebisa ng DPWH. Sa 994 na red flag projects, 347 ang lump sum projects kaya sisikapin nilang ma-specify o matukoy ang naturang mga proyekto.

Lumalabas na 647 na lamang ang kailangan i-validate ng ahensya sa tulong ng senado.

Samantala, taliwas naman ang nangyari sa Kamara kung saan walang kahirap-hirap na inaprubahan ang halos 644 bilyong budget ng DPWH para sa 2027.

Ayon kay Dizon, mahigit 11,000 proyekto ng DPWH ang ilalagay sa Transparency Portal para mabantayan ng publiko kung saan napunta ang pondo gayundin ang aktwal na implementasyon ng imprastraktura.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *