SA gitna ng ngitngit ng sambayanan sa malawakang katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan, inirekomenda ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasampa ng mga kaso laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa joint referral report na isinumite ng DPWH Secretary Vince Dizon at ICI chairman Andres Reyes, partikular na hiniling sa Office of the Ombudsman ang paghahain ng kasong plunder, graft at bribery laban sa dating lider ng Kamara — gayundin kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co bunsod ng maanomalyang flood control projects.
Si Zaldy Co ang chairman ng House Committee on Appropriations mula 2022 hanggang 2025 sa ilalim ng liderato ni Romualdez sa Kamara.
Batay sa impormasyong kalakip ng referral report, mahigit P100 bilyon ang kontratang iginawad sa mga kumpanyang konektado kay Co, partikular ang Sunwest Construction at Hi-Tone Construction & Development Corporation.
Kalakip din ng rekomendasyon ang mga testimonya sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa flood control scandal.
Gayunpaman, hindi isinama sa referral report ang pagsisiwalat ni Co sa inilabas na video hinggil sa umano’y komisyon na tinanggap ni Romualdez at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang dahilan — hindi anila pinanumpaan ni Co ang mga alegasyon.
Sa panig ni Dizon, kumbinsido ang Kalihim na sapat ang mga ebidensya para idiin ang pinsan ng Pangulo sa flood control scandal.
Ayon kay Dizon, lumalabas na may sabwatan umano sina Co at Romualdez.
Samantala, nanindigan si Romualdez na wala siyang kinalaman sa katiwalian sa pamahalaan, kasabay na giit na malinis ang kanyang konsensya.
“I willingly submitted myself to the ICI’s fact-finding process, appeared voluntarily, and remained in the country. Throughout all these proceedings, no sworn or credible evidence has ever linked me to any irregularity, and again, my conscience remains clear,” pahayag ni Romualdez.
“It’s now with the Ombudsman. I trust in the Ombudsman’s impartial and thorough review and evaluation. I do so with confidence that a fair and complete assessment of the record will reflect the truth,” dagdag pa ng mambabatas.
