ISANG linggo matapos ibunyag ni Ombudsman Crispin Remulla ang umano’y napipintong pagdakip kay Senador Ronald dela Rosa, nanindigan ang Department of Justice (DOJ) na wala pa rin opisyal na impormasyon tungkol sa sinasabing warrant of arrest na inilabas umano ng International Criminal Court (ICC).
Sa isang pulong-balitaan, iginiit ni Acting Justice Secretary Fredderick Vida na wala pang update ang DOJ tungkol sa nasabing warrant of arrest.
Garantiya ng kagawaran sa mga mamamahayag, agad na isasapubliko ang detalye sakaling may makalap na impormasyon hinggil sa kapalaran ng senador na nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng nagdaang administrasyon.
Samantala, kinumpirma ng departamento ang pagtanggap sa notice mula sa Korte Suprema para sa pagsusumite ng komento kaugnay sa ibinasurang petisyon ni dela Rosa — para obligahin ang Ombudsman ilabas ang arrest ICC warrant laban sa senador. (JULIET Q. PACOT)
