MALINAW ang nakasaad sa 1987 Constitution — prayoridad sa pagbalangkas at paggamit ng budget ang edukasyon para sa mas magandang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
Ito ang buod ng mensahe ni Solid North partylist Rep. Ching Bernos, kasabay ng panawagan sa pamahalaan na tutukan ang mga programa at proyektong magbibigay-daan sa mas malawak na oportunidad sa mga kabataan.
Karamihan aniya sa mga kabataan ngayon ay nakatuon at naghahanda sa pagiging “breadwinner” ng pamilya kung kaya malaking tulong sa kanilang tinatahak na landas ang makapagtapos ng pag-aaral para makakuha ng magandang trabaho o hanapbuhay.
“Many young Pinoys are expecting to become breadwinners. The government must do all it can to ensure that they will be properly equipped to join the workforce and escape the cycle of poverty,” wika ng Solid North partylist lady solon.
Giit ni Bernos, dapat gamitin nang tama ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHEd) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang matatanggap na 2026 budget para resolbahin ang krisis sa edukasyon.
“With an unprecedented P1.28 trillion allocation for the education sector in the House-approved budget, including P48.2 billion for the Commission on Higher Education and P25.3 billion for the Technical Education and Skills Development Authority, the government can be a partner in the youth’s desire for an education that paves the way to better work opportunities,” diin ng mambabatas.
Sinabi ni Bernos na maging ang Tertiary Education Subsidy program ng Commission on Higher Education (CHED) ay bubuhusan ng P6.6 billion pondo sa susunod na taon para suportahan ang 490,000 incoming college students na mula sa 4Ps households beneficiaries, habang mayroon ding P5.1 billion ang ilalaan sa Training for Work Scholarship Program ng TESDA na layuning mapakinabangan ng 190,000 Filipinos.
“Malaki ang maitutulong lalo na ng allocation para sa mga scholars upang mas marami sa mga kababayan natin ang mabigyan ng pagkakataong makawala sa kahirapan,” anang lady solon.
Panawagan ni Bernos sa CHED at TESDA, tiyakin na ang mga “most deserving” at “most in need of help” ang silang mapabilang sa hanay ng scholarship beneficiaries.
Noong nakaraang buwan ay pinal na inaprubahan ng Kamara ang 2026 General Appropriations Bill (GAB) kung saan nakapaloob dito ang kauna-unahang paglalaan ng pondo sa sektor ng edukasyon na katumbas ng 4.1% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa, na mas mataas pa sa itinakda ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).
