WALANG kahirap-hirap na nasungkit ng Anti-Money Laundering Council ang paborableng desisyon ng Court of Appeals kaugnay ng hiling na maglabas ng freeze order na tinatamasang yaman ni dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.
Bukod kay Zaldy Co, swak din sa freeze order ang mga salapi at pag-aari ng isang hindi pinangalanang opisyal ng independent constitutional body.
Pasok sa freeze order ang 230 bank accounts, 15 insurance policies, dalawang helicopters at isang eroplano na tinatayang nagkakahalaga ng P3.9- billion.
Sa pahayag ni AMLC Executive Director Matthew David, makatutulong ang aniya ang freeze orders para mas mapalawak ang imbestigasyon sa posibleng money laundering na konektado sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa kabuuan, pumalo na sa mahigit 3,500 na bank accounts, 198 na insurance policies, 247 sasakyan, 178 real properties at 16 e-wallet accounts na may kabuuang halaga na P11.7 billion ang paralisado sa bisa ng freeze order kaugnay ng flood control scandal. (JULIET Q. PACOT)
