HINDI na bago ang pagdagsa ng mga produktong pang regalo sa tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan. Pero sa Port of Clark, kakaibang “pang regalo ang nadiskubre ng mga kawani ng Bureau of Customs.
Sa ulat ng BOC-Port of Clark, nasa halos isang milyong pisong halaga ng highgrade marijuana na mas kilala sa tawag na “kush” ang nabisto sa likod ng imported “Labubu Chain Collectibles.”
Batay sa impormasyon ng BOC, nagmula pa sa Hong Kong ang nasabat na “Labubu Chain Collectibles” na nakatakdang ideliver umano sa lungsod ng Biñan, sa lalawigan ng Laguna.
Kwento ng mga BOC personnel, nabisto ang kontrabando matapos bumungad sa x-ray scanner ng ahensya ang kakaibang imahe ng bagahe.
Bagamat diskumpyado, minarapat pa rin ng Customs personnel na isailalim ang kargamento sa panibagong pagsusuri sa pamamagitan ng K-9 sniff test na pinangasiwaan ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ang resulta — positibong “kush.”
Dito na naglabas ng Warrant of Seizure and Detention ang pamunuan ng BOC bunsod ng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act kaugnay ng batas kontra iligal na droga.
Babala ng BOC, mas paiigtingin ng kawanihan ang pagbabantay sa mga pumapasok at lumalabas na kargamento para tiyakin ang kaligtasan ng publiko. (JULIET Q. PACOT)
