SADYA nga marahil maraming alam sa pamilya Marcos si former Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Sa panibagong pasabog na inilabas ni Co, hayagang idinawit ang sina Unang Ginang Liza Araneta-Marcos sa usapin ng agri-smuggling matapos umanong sawayin ang Kamara sa inilunsad na imbestigasyon kay Martin Araneta.
“Ngayon naman po tungkol sa kampanya nitong 2025 elections, nagkwento sa akin si dating Speaker Martin Romualdez kinausap daw siya ni PBBM sa Tacloban para tumulong sa gastusin ng mga kandidato mula national hanggang local candidates,” saad ni Co.
“Ang sagot ni Speaker naibigay na niya ang SOP collections sa Bureau of Customs na umabot sa P11 billion. Dagdag pa diyan may P9 billion collection mula sa sugar na ayon mismo sa kanya ay pinaghahatian lang ng limang kumpanya para makontrol nila ang presyo ng asukal sa merkado,” dagdag pa ng dating kongresista.
Ayon kay Co sinabi sa kanya ni Romualdez na ito ay bukod pa sa kita mula sa imported na sibuyas na kontrolado naman ng kapatid ng Unang Ginang na si Martin Araneta.
“Kung matatandaan ninyo noon pong 2022 nagkaroon po ng imbestigasyon sa Kamara na pinangungunahan ni Cong. Toto Suansing dahil sobrang taas ng presyo ng sibuyas. Umabot ng P600 kada kilo gayung dapat ay nasa P80 lang. Doon lumabas ang pangalan ni Martin Araneta bilang isa sa mga nasa likod ng kontrol sa importasyon ng sibuyas,” sabi ng dating solon.
“Pero hindi po natuloy ang imbestigasyon, ang sabi ni Speaker tinawagan daw siya ni First Lady Liza Marcos at ipinapatigil ang imbestigasyon kaya walang natuloy at walang naparusahan. Dahil pala kontrolado ng kapatid ng First Lady ang importasyon ng sibuyas,” pahabol ni Co.
