SA ikalawang pagkakataon, muling humirit ang Migrante International sa Korte Suprema para harangin ang pagsasapribado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Bitbit ang naglalakihang karatula, nagsagawa ng kilos-protesta sa harap ng Korte Suprema sa kahabaan ng Taft Avenue sa lungsod ng Maynila ang mga miyembro ng Migrante kasama ang iba’t ibang sektor kabilang ang mga commuter at consumer groups na nagpahayag ng pagtutol sa pagsasapribado ng nabanggit na paliparan.
Kumbinsido naman ang pamunuan ng Migrante na papaboran ng Korte Suprema ang inihaing petisyon na naglalayon baliktarin ng husgado ang naunang desisyon — gayundin ang pag-iisyu ng temporary restraining order (TRO) laban sa kumpanyang pagmamay-ari ni Ramon Ang.
Iginiit ni Amihan Nabalay, na tumatayong tagapagsalita ng Samahan ng Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan (SUKI), isang malinaw na paglabag sa karapatan ng mga mamamayan ang kontratang iginawad ng gobyerno sa San Miguel Corporation.
Giit ng grupo, hindi dumaan sa tamang proseso ang mga bagong polisiyang ipinatupad sa NAIA sa ilalim ng pangangasiwa ng kumpanya ni Ang.
Kabilang sa mga hinaing ng grupo ang pagsipa ng presyo ng terminal fee at iba pang bayarin kasunod ng implementasyon ng Manila International Airport Authority’s Revised Administrative Order No. 1, Series of 2024, na nagbibigay ng kapangyarihan sa New NAIA Infrastructure Corporation na magtaas ng mga singil sa serbisyo sa paliparan.
Anila, hindi pagsasapribado ng NAIA ang solusyon sa problema lalo pa’t kumikita naman ang pasilidad at ang mismong paliparan sa ilalim ng pangangasiwa ng gobyerno.
Mungkahi ng mga sektor na tutol sa NAIA privatization, gamitin ng pamahalaan ang kita ng NAIA para sa modernisasyon sa paliparan. (JULIET PACOT)
