SA kabila ng pagbasura ng International Criminal Court (ICC) sa petisyon para sa interim release ni former President Rodrigo Duterte, kumpyansa ang kampo ng dating Pangulo na magbabago ang ihip ng hangin kung kikilalanin ng Korte Suprema ang 1987 Constitution.
Sa isang memorandum na isinumite ni dating presidential spokesperson Harry Roque na tumatayong kinatawan ni Davao City Rep. Paolo Duterte, hayagang kinuwestyon ang pag-aresto sa dating presidente.
Partikular na pinuna ni Roque ang mga legal na argumento sa mga pinagsamang kaso na nag-ugat sa pag-aresto kay Duterte at pagpapadala sa kanya sa The Hague para kaharapin ang mga kasong crimes against humanity na inihain sa ICC.
Aniya, inilatag na nila ang mga argumento kung bakit itinuturing na unconstitutional o labag sa Saligang Batas at iligal ang ginawang pag-aresto sa dating pangulo na kasalukuyang nakakulong sa The Hague.
Naniniwala ang dating kalihim na maaari pa ring aksyunan ng Korte Suprema ang mga kaso kahit nasa ibang bansa na ang dating presidente.
Ilan sa ipinunto sa argumento ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute bago pa man isinampa ang mga kasong may kaugnayan sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Dapat rin aniyang sa lokal na korte isagawa ang paglilitis.
Hinikayat din ni Roque ang Korte Suprema na linawin ang kapangyarihan ng ehekutibo at tungkulin ng mga korte upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente.
Kamakailan lang, ibinunyag ni Roque ang napipintong pagdakip kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa bisa ng warrant of arrest na aniya’y inilabas ng ICC laban sa mambabatas para sa parehong asuntong kinakaharap ng dating Pangulo.
Subalit iginiit ng Department of Justice na wala pang hawak na kopya ng mandamiento de arresto ang gobyerno. (JULIET PACOT)
