MAHIGPIT na babantayan ng Senado ang isinabatas na P1.3-trilyong pondo na inilaan ng Kongreso sa sektor ng edukasyon upang matiyak na maipatutupad ang lahat ng proyekto tulad ng pagtatayo ng silid-aralan, tulong pinansyal sa senior high school, libreng kolehiyo sa SUCs at LUCs, pagkalap ng bagong tauhan at opisyal at feeding program sa elementarya.
Inihayag ito ni Senador Win Gatchalian ilang araw matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang 2026 General Appropriations Act (GAA) kung saan pinakamalaki ang alokasyon para sa sektor ng edukasyon.
Mungkahi ni Gatchalian na tumatayong chairman ng senate committee on finance, higit na angkop ang paglikha ng isang oversight committee na magbabantay sa paggastos sa pondo , alinsunod sa nakasaad sa 2026 GAA.
Ayon kay Gatchalian, magsasagawa ng mahigpit na oversight ang Senado upang mabantayan at matiyak ang maayos na paggastos sa makasaysayang P1.3 trilyong pondong kasado para sa sektor ng edukasyon ngayong taon.
Katumbas ng pondo sa edukasyon sa 4.4% ng Gross Domestic Product (GDP) na sa unang pagkakataong naisakatuparan ng bansa alinsunod sa panuntunan ng UNESCO — ang paglalaan ng 4 hanggang 6 porsyento ng GDP sa edukasyon.
“Isang hakbang ang paglalaan natin ng malaking pondo para sa edukasyon, ngunit mahalaga ring matiyak nating magagamit ito nang tama para sa kapakanan ng ating mga mag-aaral at mga guro,” ani Gatchalian.
Kabilang sa binigyang prayoridad sa pondo ng edukasyon ang mas pinabilis na pagpapatayo ng mga silid-aralan.
Umabot sa P85 bilyon ang pondong inilaan para sa naturang programa. Binigyang prayoridad din ang P25.6 bilyon para palawigin hanggang 200 ang 120 na feeding days ng School-Based Feeding Program.
Nasa P37.4 bilyon ang inilaan para sa Universal Access to Quality Tertiary Education o libreng kolehiyo.
Naunang inihayag ni Senador Bam Aquino na mapopondohan nang maayos at maipatutupad nang tama ang mahahalagang programang pang-edukasyon, tulad ng pagtatayo ng silid-aralan at pagpapalakas sa school-based feeding program.
“Panalo ang kabataang Pilipino ngayong naaprubahan na ang 2026 national budget. Sa pamamagitan nito, mapopondohan na at maipatutupad nang tama ang mga mahahalagang programang makatutulong upang mapalakas at mapabuti ang sektor ng edukasyon,” wika ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
“May pondo na para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, dagdag na budget para sa school-based feeding program at libreng kolehiyo, at iba pang mahahalagang suporta para sa mga mag-aaral upang matiyak na mas maayos silang makakapag-aral,” dagdag pa niya.
Kabilang sa P1.34-trilyong pondo para sa edukasyon – ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa – ang P68 bilyon para sa pagtatayo ng mga bagong silid-aralan at P25.6 bilyon para sa pagpapalawak ng School-Based Feeding Program.
Naglaan din ang budget ng P67 bilyon para sa pagpapatupad ng Republic Act No. 10931, o ang batas sa Libreng Kolehiyo na inakda ni Aquino.
Dagdag pa rito, isinama sa budget ang mungkahi ni Aquino na maglaan ng P500 milyon sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng Higher Education Development Program, na partikular na itinalaga para sa pinansiyal na suporta sa Related Learning Experience (RLE) ng mga estudyante sa allied health sciences programs.
Kasama sa mga estudyanteng makikinabang sa pondong ito ang mga nasa allied health sciences programs tulad ng Nursing, Medical Technology/Medical Laboratory Science, Pharmacy, Physical Therapy, Occupational Therapy, Respiratory Therapy, Radiologic Technology, Midwifery, Nutrition and Dietetics, Speech-Language Pathology, Human Biology/Pre-Med Allied Programs, Dentistry, Biochemistry, at Psychology.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na sinusuportahan din ng education budget ang paglikha ng teaching at non-teaching plantilla positions sa mga pampublikong paaralan, pati na rin ang promosyon o reclassification ng mga guro upang matiyak ang de-kalidad na edukasyon.
Gayunpaman, muling binigyang-diin ni Aquino ang kanyang panawagan para sa mahigpit na pagbabantay upang matiyak na ang budget ay maipatutupad nang tama at ang bawat piso ay magagamit sa tamang programa at sa kapakinabangan ng mga estudyante.
“Sama-sama nating bantayan ang paggamit ng pondong ito, hanggang sa kahuli-hulihang sentimo, upang masigurong mapupunta ito sa edukasyon at hindi sa korapsyon,” giit niya. (ESTONG REYES)
