USAP-USAPAN sa Department of Tourism (DOT) ang nalalapit na paglisan ni Secretary Christina Frasco bunsod ng kabiguan paunlarin ang sektor ng turismo sa kabila pa ng malaking pondong inilaan sa nabanggit na departamento.
Ang kapalit — isang corporate executive na rekomendado umano ng isang bilyonaryo.
Una nang itinanggi ni Undersecretary Claire Castro na tumatayong Palace Press Officer, ang pag-arangkada ng panibagong balasahan sa gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“This was supposed to be a rebound story,” saad ng isang hindi pinangalanang impormante sa ulat na unang lumabas sa Politiko.com.
“Instead, tourism has plateaued while our neighbors surged ahead. From Malacañang’s perspective, Frasco has become more of a liability than a driver of growth.”
Sa nasabing ulat, bukas umano ang Malacañang sa pagtatalaga ng isang corporate-style manager na mas nakatuon sa resulta kesa pabibo at dada.
Sa datos ng DOT, pumalo lang sa 5.235 milyon ang foreign arrivals mula Enero hanggang Nobyembre ng nakalipas na taon — higit na mababa kumpara sa 5.35 milyon na naitala noong 2024.
Lumalabas din sa datos ng ASEAN na Pilipinas lang ang nakapagtala ng pagbaba ng tourist arrivals.
Ayon pa sa mga analyst, pinakamababa ang economic return ng Pilipinas kumpara sa ibang ASEAN countries sa bawat dolyar na inilaan sa turismo.
Bagama’t higit $20 bilyon ang ginastos sa nakaraang mga administrasyon, ang tourism receipts noong 2024 ay umabot lamang sa $13 bilyon.
Bukod pa rito, hindi pa rin nakabawi ang sektor mula sa pandemya, kung saan bumaba ang revenue noong 2023 hanggang 2024, at ang kontribusyon ng turismo sa GDP ay mas mababa sa 9% noong 2024 mula sa halos 13% noong 2019.
Nakatanggap din ni kritisismo si Frasco dahil sa promotional approach ng DOT at lumala ang imahe ng ahensya dahil sa pagkansela ng “Love the Philippines” campaign noong 2023 matapos gamitin ang stock footage mula sa ibang bansa.
“Tourism is no longer a feel-good portfolio… It’s a numbers game now. And right now, the numbers aren’t working,” saad pa ng impormante ng Politiko.com.
