SA unang tatlong taon ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pumalo sa P53.1 bilyon ang pumasok na pera sa construction company ng kapatid ni CWS partylist Rep. Edwin Gardiola.
Sa datos na ibinahagi ng Anti-Money Laundering Council, partikular na tinukoy ang 756 bank accounts ng Newington Builders Inc. mula taong 2022 at 2025.
Gayunpaman, wala umano sa audited financial statements na isinumite ng Newington ang cash inflows at outflows ng naturang kumpanya – bagay na nagtulak sa AMLC para magpalabas ng freeze order sa Newington na dating kilala bilang E. Gardiola Construction.
Kapatid ni Gardiola ang tumatayong vice president ng Newington habang ang kabiyak naman ang tumatayong presidente ng kumpanya.
Ayon sa AMLC, umabot sa P13.59 bilyon ang cash at check inflows ng Newington noong 2023 — malayo sa P3.51 bilyon na idineklarang “sales” sa audited financial statements.
Sa pagsusuri ng AMLC, lumalabas din na umabot sa P10.83 bilyon ang halaga ng inisyung tseke ng Newington pero sa isinumiteng audited financial statements, pumalo lang sa P3.13 bilyon.
Nagdeklara din ng P171 milyong pambayad utang ang kumpanya ni Gardiola.
Sa pagtatapos ng taong 2023, P300 lang ang idineklara ng Newington.
Mula 2021 hanggang 2025, umabot sa 12,071 transactions ang naitala sa ilalim ng Newington, kabilang ang 2,320 check deposits na nagkakahalaga ng P40.3 bilyon at 5,147 checks issued at cleared na nagkakahalaga ng P37.3 bilyon.
“These discrepancies clearly suggest that Newington is deliberately concealing its transactions, which raises doubts as to the legitimacy of the sources of its funds.”
Samantala, 32 flood control projects ang nasungkit ng kumpanya ni Gardiola sa ilalim ng administrasyong Marcos.
