TULAD ng inaasahan, isang petisyon sa legalidad ng “unprogrammed funds” na nakapaloob sa 2026 General Appropriations Act (GAA) ang inihain ng dalawang kongresista sa Korte Suprema.
Sa 41-pahinang petition for certiorari na isinumite nina Mamamayang Liberal partylist Rep. Leila De Lima at Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice, hinikayat ang Korte Suprema suriin ang tinatawag na “constitutionality” ng bagong mukha ng pork barrel.
Hirit nina De Lima at Erice, agarang paglalabas ng Temporary Restraining Order, Writ of Preliminary injunction at Statistics Quo Ante Order bilang paunang remedyo sa anila’y malinaw na paglabag sa 1987 Constitution.
Ayon kay De Lima, bagama’t mayroon nang na-veto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2026 GAA, na P90.5 bilyon, may natira pa rin na P150.9 bilyong unprogrammed appropriations na aniya ay wala na talaga dapat .
Para kay De Lima, higit na angkop ang isang categorical ruling ang Korte Suprema hinggil sa pork barrel na ikinukibli lamang anila sa ibang pangalan.
Ayon sa mga petitioner, nilabag ng 2026 GAA ang Article 7 Section 2 ng Saligang Batas kung saan malinaw na nakasaad ang proyekto o programang paggagamitan ng pondo ng gobyerno.
“Kasi ang Kongreso ang nag-o-authorized ng spending at ang executive ang nag-e-execute ng spending,” paliwanag ni De Lima.
Ayon naman kay Rep.Erice , may grave abuse of discretion sa pagpapatupad ng unprogrammed funds.
Nangangamba rin si Erice na pinaka delikado umano rito ang “source of funds” dahil kapag nakalagay na sa ‘unprogrammed’ pwede aniyang maghanap ng mga pondo ang gobyerno.
Kabilang umano sa posibleng hakbang ng pamahalaan ang pagbebenta ng mga assets, pangungutang at pagpapataw ng karagdagang buwis.
“So hindi na yan dadaan sa Kongreso dahil naka programa na kaya maling-mali yan at ang alam ko ngayon pa lang ay nag-iinventory na ng assets ang Department of Finance para maibenta kung saka-sakali ng kukulangin yung mga funding para sa mga naaprubahan na ito”, dagdag pa ni Erice. (JULIET PACOT)
