SA gitna ng palitan ng patutsada, osang pasabog ang inilabas ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson laban kay Senador Imee Marcos.
Ayon kay Lacson, hindi pwedeng iwasan ni Imee madamay sa kontrobersyal na budget insertion, lalo pa’t siya man umano ay nagsingit ng P2.5-billion ‘allocable’ sa 2025 national budget.
“Kapag nasa glass house ka, huwag kang mambato,” ayon kay Lacson na patutsada kay Imee matapos nitong punahin ang ilang pondo sa 2026 national budget partikular ang itinuturing nitong “soft pork,” tulad ng medical assistance.
Pag-amin ni Lacson, nakuha ang datos sa mga dokumentong kanyang natanggap mula sa kampo ng yumaong Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary na si Catalina Cabral.
“Meron siyang allocable doon na P2.5 billion sa NEP sa Cabral files. Meron din siyang napasama kasi burado ang allocables sa NEP pero pagdating sa insertion, paglabas sa bicam at ito ang na-enrolled bill, ang iba na-FLR. Pero si Sen. Imee, meron din doon… At ang FLR niya may na-release doon,” wika ni Lacson sa panayam sa DZBB radio.
“Siya ang nag-iingay na tahasang kini-criticize niya ano ang budget ng 2026, ang pinirmahan, sinabi niya may tadtad ng pork, may giniling, may tinadtad pero pork pa rin. Kung ganyan ang definition niya ng pork, siya ang may pork. So wala siyang moral ascendancy para i-criticize. Unang una, member siya ng bicam. Bakit di siya nag-raise ng issue, nang nasa bicam siya, tadtad ng pork ito? Wala tayong narinig sa kanya pero nandoon siya sa bicam,” dagdag niya.
Binanggit din ni Lacson na habang nagreklamo si Marcos sa ratipikadong bersyon ng 2026 budget bill dahil sa pagtaas ng pondo para sa mga assistance program na tinawag niyang soft pork — kabilang ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) — ay may pork naman siya sa 2025 GAA, at personal na dumalo sa pagbibigay ng ayuda noong nakaraang taon.
“Siya nga ang hilig mag-attend doon tapos sasabihin niyang may tinadtad may giniling na pork? Alam mo, pag wala kang moral ascendancy wag ka nang magsalita wag kang pumuna kasi babalik sayo yun. May sinasabing pag nasa glass house ka wag kang mambato,” aniya.
Tinuligsa rin ni Lacson si Marcos sa umano’y walang basehang batikos sa Blue Ribbon Committee na kanyang pinamumunuan — lalo na sa imbestigasyon hinggil sa flood control scandal.
Itinanggi rin ni Lacson ang pahayag ni Marcos na pinagbawalan umano niya ang mga miyembro na iugnay ang ilang personalidad gaya ni dating Speaker Martin Romualdez sa isyu, at iginiit na hindi naman ito dumalo sa mga pagdinig.
Tinugon din niya ang paratang ni Marcos na “nililimitahan” niya sa 10 minuto ang pagtatanong ng mga senador, na aniya’y kinakailangan upang mabigyan ng pagkakataon ang bawat senador na makapagtanong.
“Unang una paano niyang masasabing pinagbawalan, hindi naman siya nag-attend ng hearing?” ani Lacson.
“Meron akong nasabi ko na ito, the best response to nonsense is silence. Pero pag nang-iinsulto na, hindi mo na rin pwedeng i-disregard. Iniinsulto niya ang Blue Ribbon Committee, ina-undermine niya ang integridad ng committee na member din naman siya doon. Bakit di siya mag-attend at tanungin niya?” dagdag niya.
Nang tinanong kung ano ang dahilan sa mga kilos ni Sen. Marcos, tugon ni Lacson: “Baka gusto niyang mag-apply na ‘meow-meow’ ng Senado… Ayaw naming magkaroon ng ‘meow-meow’ sa Senate pero parang may gustong mag-apply.”
Naguguluhan pa rin si Lacson kung bakit tila determinado ang ilan, kabilang si Marcos at Sen. Rodante Marcoleta, na gambalain ang mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee, matapos kuwestiyunin ni Marcoleta ang pagiging obhetibo ni Lacson.
“Ang problema may ganyang mga kasamang nanggugulo talaga. Di ko alam ano ang kanilang end game,” aniya.
Samantala, tumanggi si Lacson na magbigay ng espekulasyon hinggil sa mga pahayag na maaaring ialok ang “pork” sa budget sa mga miyembro ng Kamara kapalit ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
“Under the Constitution sila talaga ang may power mag-impeach. Ang Senado may power mag-convict or acquit. So dahil potentially magkaroon ng impeachment case at ito ay ma-transmit sa Senado mahirap kaming mag-comment lalo sa merit ng kaso kasi kami magiging huwes.”(ESTONG REYES)
