NANAWAGAN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa Kongreso na madaliin ang deliberasyon at pagsasabatas ng Anti-Political Dynasty Bill para wakasan ang pagkontrol ng pamilyang nagpapalitan lang ng pwesto sa gobyerno.
Ayon kay Pangilinan, halos apat na dekada nang binabalewala ng Kongreso ang probisyon sa 1987 Constitution kung saan aniya malinaw na sinasabing bawal ang political dynasty.
Mungkahi ni Pangilinan, paspasan ang pagpapatibay ng “enabling law” na magbibigay-daan sa agarang implementasyon.
“Pero sa halos apat na dekada, dinededma lang ang maliwanag na utos nito na ipagbawal ang mga dinastiyang politikal,” ayon kay Pangilinan.
Sa ginanap na LEDAC noong Disyembre, isinama ng Pangulo ang Anti-Political Dynasty Law sa prayoridad ng administrasyon ngayong taon.
“Kasama ng pagtutol laban sa kurakot, napakalakas ng sigaw ng bayan: FOBI (fear of being included) sa poverty line. Napakalinaw rin ng datos sa mga pag-aaral na nagsasabing kung saan pinaka malakas ang dinastiyang politikal, pinakamalalim ang karukhaan. Wala nang palusot ang lulusot sa patuloy na pagkaantala ng batas,” aniya.
Giit pa ng senador — “Kulang na lang ang aksyon.”
“We thus respectfully call on the Senate leadership to start ASAP hearings on the filed anti-dynasty bills of Senators Risa Hontiveros, Ping Lacson, Robin Padilla, Bam Aquino, JV Ejercito, and myself,” hirit ng senador.
“Ito na ang panahong patunayan seryoso tayo at gusto nating maging paldo ang bansa. Na ang susunod na Pangulo, hindi kabilang ng political dynasty. Dahil kung walang political dynasties, walang mahirap. Nakamasid ang taumbayan, at ‘di na bebenta ang muling pagpapaliban pa.” (ESTONG REYES)
