NANAWAGAN ang militanteng hanay ng mga kababaihan sa Commission on Elections (Comelec) na ibasura ang disqualification case na inihain ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC)
laban sa Gabriela Women’s partylist group.
Sa isang kilos-protestang idinaos habang nagsasagawa ng pagdinig ang Comelec, partikular na tinukoy ng mga kababaihang miyembro ng Gabriela ang anila’y tangka ng estado busalan ang tinig ng sektor ng mga kababaihan.
Kinastigo rin ng Gabriela ang anila’y patuloy na paggamit ng umano’y gawa-gawang alegasyon laban sa partylist group, gayundin sa isinusulong na adbokasiya sa karapatan ng kababaihan, kabataan, manggagawa, at LGBTQIA+ community.
Hinimok ng grupo ang Comelec na tapusin na ang kaso at itigil ang paggamit ng pondo ng bayan sa mga anila’y walang basehang akusasyon.
Hirit pa ng grupo sa publiko, manatiling mapagmatyag at ipagtanggol ang demokratikong representasyon sa bansa. (JULIET PACOT)
