MATAPOS ang paglabas ng mandamiento de arresto, tuluyan nang sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pulis na na-hulicam na bumitbit ng babaeng walang malay sa isang motel sa Maynila kung saan naganap ang panghahalay.
Sa isang pulong-balitaan, ipinrisinta ng NBI ang suspek na kinilalang si Patrolman Joshua Semilla Mendoza.
Ayon kay head agent Palmer Mallari na tumatayong tagapagsalita ng NBI, nagpadala ng surrender feelers ang abogado ng pulis na agad naman inaksyunan ng mga operatiba ng ahensya.
Gayunpaman, nilinaw ng mga abogado ng akusado na hindi pag-amin sa kasalanan ang pagsuko ni Mendoza na hangad lamang umano makipag tulungan sa imbestigasyon.
Nag-ugat ang kaso matapos maghain ng reklamo ang 27-anyos na si alyas Anna na nawalan umano ng malay sa isang bar sa Quezon City matapos ang umano painumin ng alak na may pampatulog. (CESAR MORALES)
