ANG pagkakalat ng tsismis para idiin ang kapwa hindi kailanman pinapanigan ng tadhana. Ito marahil ang napagtanto ng isang “bayarang testigo” matapos sampahan sa husgado ng kasong cyberlibel.
Partikular na tinukoy ni Prosecutor General Richard Fadullon pagsasampa ng kasong cyberlibel laban kay Michael Murillo (alyas Rene) na nag-akusa kay Senador Risa Hontiveros na umano’y nagbayad ng P1 milyon para tumayong testigo laban kay KOJC founder Pastor Apollo Quiboloy.
Bukod kay Quiboloy, target din umano ni Hontiveros sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at anak nitong si Vice President Sara Duterte
Ayon kay Fadullon, buwan pa ng Enero nang isampa ang kaso sa Pasay City Regional Trial Court.
Paglilinaw ni DOJ official, hindi kasama bilang respondent at hiwalay ang reklamong cyberlibel laban kay Maurilio sa cyber complaint na inihain ni Hontiveros laban sa mga vlogger na nagpakalat ng video ng nasabing testigo sa social media.
Samantala, kinumpirma rin ni Fadullon na ibinasura ng panel of prosecutors ang reklamo ni Hontiveros laban kina Atty. Ferdinand Topacio at sa mga vlogger na sina Banat By, Jeffrey “Ka Eric” Celiz, Krizette Kiffy Chu, Jay Sonza at Tio Moreno dahil sa kawalan ng prima facie evidence. (JULIET PACOT)
