MULING kinalampag ng pamilya ni Mary Jane Veloso ang Department of Justice (DOJ) para hilingin ang kalayaan ng nakakulong ng overseas Filipino worker.
Sa isang kilos-protestang isinagawa sa harap ng tanggapan ng DOJ, humirit ang pamilya ni Veloso, kasama ang grupong Migrante, isang panawagan ang ipinaabot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — executive clemency na magbibigay-daan para matuldukan ang paghihirap ng dating OFW na nakapiit sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Panahon na para palayain si Veloso na nagdurusa sa loob ng kulungan isang taon matapos pauwiin ng Indonesia sa Pilipinas.
“Hinihingi po namin ang clemency dahil mahabang panahon na siyang nawalay sa amin. Nasisira ang buhay ng mga anak niya, at pag nakalaya si Mary Jane, mababago ang buhay nila,” wika ni Aling Celia Veloso kasabay ng hamon sa Pangulo na silipin ang kalagayan ng anak sa piitan.
Umapela rin ang mga demonstrador na i-proseso ang habeas corpus petition na isinampa noong Nobyembre 14, 2025, na kumukwestiyon sa legalidad ng pagkakakulong ni Veloso sa Pilipinas.
“Kahit isang beses lang po, dalawin niyo si Mary Jane. Makikita ninyo sa kulungan ang kalagayan niya at mismong sa inyo siya humingi ng suporta sa kanyang kalayaan,” aniya pa.
Nagdala rin ang mga tagasuporta ng malaking heart-shaped letter para kay Mary Jane sa rally, bilang pampalakas-loob habang ipinaglalaban ang asam-asam na kalayaan.
Hinatulan ng parusang kamatayan si Veloso sa Indonesia noong 2010 sa kasong drug trafficking at naibalik sa Pilipinas noong 2024 sa pamamagitan ng repatriation agreement. (JULIET PACOT)
