PORMAL na sinampahan ng kasong cyberlibel ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dating brodkaster na si jay Sonza dahil sa umano’y pagpapakalat ng maling pormasyon hinggil sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bukod kay Sonza, pasok din sa asunto ang YouTuber na si Jeffrey “Ka Eric” Celiz na higit na kilala sa red-tagging sa panahon ng nagdaang administrasyon.
Sa pagsasampa ng kaso sa Department of Justice (DOJ), ibinahagi ng NBI ang resulta ng isinagawang cyber-surveillance operation ng NBI-Cybercrime Division noong Enero 2026.
Ayon sa NBI, noong Enero 28 at 29, 2026, naglabas umano ng mga post si Sonza sa kanyang verified Facebook account na may kalakip na CT scan report at larawan ng Pangulo.
Sa naturang post, kinuwestyon ng dating brodkaster ang kakayahan ni Marcos pamunuan ang bansa dahil sa malalang kondisyon ng Pangulo.
Bagama’t burado na ang original post, nagawa ng NBI marekober ang tinatawag na “digital footprint” na magsisilbing ebidensya sa husgado.
Samantala, partikular na tinukoy ng NBI ang pagtalakay ni Celiz sa naturang usapin sa kanyang YouTube channel. Umani ng 10 million views ang naturang palabas tungkol sa kalusugan ng Pangulo.
Bukod sa cyber libel, nahaharap ang dalawa sa mga kaso para sa Unlawful Use of Means of Publication sa ilalim ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Section 6 ng Cybercrime Prevention Act.
“In an era where information can rapidly influence public perception, we remind all stakeholders that freedom of expression carries with it the responsibility to ensure accuracy and accountability,” pahayag ni NBI acting director Lito Magno.
