HINDI na nagawa pang isalba ng mga manggagamot ang pamangkin ng isang mayor matapos tambangan sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan sa lalawigan ng Maguindanao del Sur.
Sa ulat ng pulisya, kinilala ang biktima sa pangalang Datu Morsid na pamangkin umano ni Shariff Aguak Mayor Mitra Ampatuan – isa sa mga tumayong testigo sa Maguindanao Massacre kung saan 58 ang pinaslang at ibinaon sa lupa.
Sugatan sa nasabing pananambang sina Baganian Ampatuan na kapatid ni Morsid at driver na si Lemon Angkad Bangen matapos paulanan ng bala sa hangganan ng Sitio Panang, Barangay Kabengi, at Salbu, sa nabanggit na bayan.
Base sa paunang imbestigasyon, galing ang mga biktima sa Barangay Salbu bandang alas-11:00 ng umaga sakay ng Nissan Livina patungong Barangay Kabengi sa Datu Saudi Ampatuan nang isagawa ng mga armadong kalalakihang sakay ng puting minivan ang ambush.
Sa kabila ng pananambang, nagawa pa ng driver na imaneho ang sasakyan hanggang Barangay Meta, Datu Unsay, Maguindanao del Sur, ilang metro lamang mula sa checkpoint ng army. (EDWIN MORENO)
