Nanawagan si Senador Mark Villar sa DFA at DMW na paigtingin ang proteksyon at emergency evacuation measures para sa mga OFW sa Middle East. Binigyang-diin rin ng senador ang tungkulin ng pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng mga OFW. (CESAR MORALES)
PARA kay Senador Mark Villar, lubhang nakababahala ang kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFW) na naipit madugong hidwaan sa gitnang-silangan bahagi ng Asya.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Villar ang nasa 2.4-milyong migranteng manggagawa sa Middle East matapos sumiklab ang giyera.
Ayon kay Villar, hindi pwedeng ipagsawalang-bahala ng pamahalaan ang nakaambang panganib sa buhay ng mga tinaguriang bayani ng makabagong panahon bunsod ng malaking ambag sa ekonomiya ng bansa.
Nagpahayag din ng pagdadalamhati ang senador bunsod ng kumpirmadong ulat sa pagpanaw ng isang babaeng OFW na nasawi matapos bombahin ng Iran ang Israel kung saan nakabase ang migranteng manggagawa na kinilala sa pangalang Mary Anne Velazquez de Vera.
“Ang tungkulin natin ngayon ay tiyaking ligtas, protektado, at accounted for ang ating mga kababayan sa Middle East. Mas lalong mabigat ang sitwasyon dahil may naitala na pong pagkamatay ng isang Pilipina, si caregiver Mary Anne Velazquez de Vera, na nasawi habang ginagampanan ang kanyang tungkulin,” wika ni Villar.
Panawagan ni Villar sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW), kagyat na ibigay ang pangangailangan ng mga OFWs, kasabay ng giit na paspasan ang evacuation plan para sa ligtas na pagbabalik ng mga Pinoy workers sakaling lumala ang sitwasyon sa nabanggit na rehiyon.
Higit na angkop rin aniyang tutukan ng DFA at OWWA ang kondisyon ng mga OFW sa mga bansang apektado ng gulo, gayundin ang tinaguriang “reintegration programs” para sa mga mawawalan ng trabaho dahil sa krisis.
“Kailangang handa ang gobyerno hindi lamang sa paglikas kundi pati sa pagtulong sa ating mga OFWs na mawawalan ng kabuhayan dahil sa kaguluhan,” dugtong ng mambabatas.
Aniya, walang OFW na dapat maiwan sa panahon ng kawalan ng katiyakan.
Para sa mga OFW at kani-kanilang pamilyang nangangailangan ng tulong, makipag-ugnayan sa DMW-OWWA Middle East local emergency hotline 1348 o sa overseas hotline at +632 1348. (CESAR MORALES)
