AKTIBONG makikipagtulungan ang Kamara sa sangay ng ehekutibo para makapagpasa ng batas para maibsan ang mabigat na epekto ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo bunsod nang pagpapatuloy ng giyera sa Gitnang Silangan.
Ito’y makaraang maglabas ng direktiba si Speaker Faustino Dy III na pakilusin ang mababang kapulungan upang magsulong ng mga batas na magbibigay proteksyon sa mga Pilipino laban sa epekto ng “oil price shocks.”
Sa isang pahayag, sinabi ni Dy na itutulak ng mga mambabatas at mga komite sa Kamara ang mga priority bill na layong mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mahalagang sektor ng ekonomiya, partikular ang mga manggagawa, mananakay, magsasaka at maliliit na negosyo.
“Kasama po ng aking kapwa-mambabatas at ng iba’t ibang Komite, kami po ay walang humpay na magsusulong ng mga priority bills at mga hakbang na makakatulong upang mapagaan ang epekto ng mga pandaigdigang krisis sa ating mga kababayan,” ani Dy.
“We recognize that this is a challenge we must face head on, which is why the House of Representatives will work with the Executive to focus on measures that will help cushion the effects of rising oil prices on the various sectors of our economy—especially our workers, commuters, farmers, and small businesses.”
Ayon sa Speaker mula sa Isabela, ipinapakita ng lumalalang tensyon sa Middle East kung paanong ang mga pangyayari sa ibang bahagi ng mundo ay may direktang epekto sa Pilipinas, lalo na sa pagtaas ng presyo ng langis na nararamdaman ng bawat pamilyang Pilipino.
Dagdag pa niya, natural lamang na makaramdam ng pangamba ang mga mamamayan kapag tumataas ang presyo ng langis dahil agad itong nagdudulot ng pagtaas sa pamasahe, presyo ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.
“Dama po nating lahat ito—ng mga manggagawa, ng mga magulang na nagtatrabaho para sa kanilang pamilya, at ng bawat Pilipinong nagsisikap mabuhay nang may dangal,” aniya pa.
Sa kabila ng mga hamon, tiniyak ni Dy sa publiko na patuloy na kikilos ang Kongreso upang pangalagaan ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Tututok din aniya ang Kamara sa mga patakarang magpapalakas sa ekonomiya at magpoprotekta sa kabuhayan ng mga ordinaryong Pilipino.
Nanawagan naman si Dy ng pagkakaisa habang hinaharap ng bansa ang mga hamon dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
“Napatunayan na po natin na kapag tayo ay nagbubuklod-buklod at nagmamalasakit sa isa’t isa, walang hamon na hindi natin kayang lampasan,” giit niya. (ROMER R. BUTUYAN)
