MALABO pa sa sabaw ng lugaw ang posibilidad na lumusot sa senado ang isinusulong na amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) bilang tugon sa pagdurusa ng mga Pilipino sa patuloy na pagtaas sa buwanang singil ng Meralco.
Sa programa sa radyo, partikular na tinukoy ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang dahilan — mga “senatong” na “inaalagaan” umano ng oligarko sa likod ng dambuhalang kumpanya.
Bukod sa senado, may mga “tongressman” sa Kamara rin umano nakikinabang sa hindi pinangalanang oligarko.
“Kailangan kasi diyan ma-amend iyan. Ang problema mo syempre, dalawang bahay iyan, mayroong Lower House, mayroon kang Senate. Madalas iyan sa Senate inaalagaan, inaalagaan ng mga industrialist oligarchs para makuha ‘yung gusto nila,” wika ni Remulla sa kanyang programang “Executive Session” sa DZRH.
“Pero meron din silang alaga sa House. Sigurado ako doon,” dugtong pa niya.
Bukod sa system loss, iminungkahi ni Remulla dapat ibalik sa EPIRA ang partisipasyon ng gobyerno sa sektor ng enerhiya para tiyakin di na muling makakapag samantala ang nasabing oligarko.
“You have to amend the law to include government participation in the energy sector kasi totally excluded ang government,” paliwanag ni Remulla.
“Para kang naglagay ng DOE na walang ngipin,” sambit pa niya.
Dapat rin aniyang ikonsidera ang “reintegration” ng National Electrification Administration (NEA) sa pagresolba ng usapin ng mahal na kuryente dahil karaniwan aniyang kontrolado ng mga oligarko maging ang sinasabing kooperatiba sa mga malalayong probinsya.
