SA kabila ng limitadong pondo, nasungkit ng baybaying bayan ng Angono ang ikapitong pwesto sa rankings ng Cities and Municipalities Competitive Index na inilabas ng Department of Trade and Industry (DTI).
Gamit ang tinatawag na “5 Pillars,” partikular na sinuri ng DTI ang kakayahan ng hindi bababa sa 1,498 munisipalidad sa larangan economic dynamism, government efficiency, infrastructure, resiliency at innovation.
Bukod sa bayan ng Angono, apat na iba pang munisipalidad sa lalawigan ng Rizal ang pasok sa talaan — Cainta (na nakasungkit ng unang pwesto), Taytay, San Mateo at Binangonan.
Sa isang pahayag, binigyang pagkilala ni Mayor Gerardo Calderon ang sipag, husay at dedikasyon mga kawani ng lokal na pamahalaan, gayundin ang pakikipagtulungan ng mga nasasakupang barangay, mga negosyante at mga residente.
Para kay Calderon, walang dahilan para maging kampante — “Basis lang po ito ng na-achieve ng bayan… marami pa tayo kailangan i-upgrade.”
Kapansin-pansin naman na pawang malalaki ang pondo lokalidad na pasok sa Top 10 Municipalities.
“Imagine kung Angono na meron lang P750 million budget nakapasok sa top 10, baka hindi lang tayo rank 7 kung bilyon-bilyon ang budget natin… for sure, marami ang magagawa natin para mas pagandahin at paunlarin ang bayan namin.”
“Sa category ng infrastructure number one na ang Angono. Ready na din kami sa economic dynamism sa nalalapit na pagpasok ng mga private investors,” dugtong ng alkalde.
Ibinahagi ni Calderon ang pagtataguyod ng mga technopark sa mga barangay ng San Isidro, Bagumbayan, Kalayaan, at Mahabang Parang. Aniya daan-libong trabaho ang malilikha sa pagbubukas ng mga bagong negosyo.
Base sa datos ng pamahalaang panlalawigan, tanging Angono lang ang may pinakamaliit na budget. Nasa P4 bilyon ang 2026 budget ng Cainta, habang nasa P3.5 bilyon naman ang pananalapi ng Taytay. Hindi naman bababa sa P1.5 bilyon ang budget ng Binangonan at San Mateo.
