Photo Credit: Bilang Siklista
SA gitna walang humpay na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo bunsod ng giyera sa Middle East, pinakamainam na humanap ng ibang alternatibo sa pagpasok at pag-uwi mula sa trabaho.
Para kay Dr. Ricardo Francisco ng Philippine Society of Nephrology, napapanahon nang ikonsidera ang ehersisyo — paggamit ng bisikleta o paglalakad kung maikli din lang ang distansya ng tinutuluyang bahay at lugar ng hanapbuhay.
Ayon kay Dr. Francisco, bukod sa makakatipid, malaking bentahe rin aniya sa kalusugan ng mga mamamayan ang pagbiyahe sa paraan ng pagbibisikleta o paglalakad patungo sa opisina, pabrika o anumang paraan para kumita.
Bukod aniya sa makakabuti sa kalusugan, makakatipid din umano kung makakasanayan ang pagbibisikleta o paglalakad kesa gumamit ng sasakyan sa trabaho o saan man nais magtungo.
Sa ginanap na pulong-balitaan na inorganisa ng Philippine College of Endocrinology at Philippine Heart Association, nagpahayag ang mga dumalong health experts sa isinusulong na alternatibong napatunayang epektibo para maiwasan ang “obesity” o ang labis na pagtaba.
Ibinahagi ni Dr. Nemencio Nicodemus Jr., MD. ng Philippine College of Physicians na ang obesity ay karaniwang nagdudulot ng mga komplikasyon sa kalusugan.
Payo ng mga eksperto, kumonsulta sa mga doktor para mapigilan ang negatibong epekto dulot ng sobrang katabaan.
