HINDI na angkop sa kasalukuyang panahon ang mga batas na nagbibigay kapasidad sa mga lokal na pamahalaan, ayon kay House Speaker Faustino Dy sa dinaluhang general assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP).
“Narinig po namin ang inyong boses at malinaw sa Kapulungan ang inyong panawagan,” wika ni Dy sa harap ng mga alkalde mula sa 1,498 munisipalidad.
“Batay sa inyong sariling konsultasyon at survey, malinaw na malinaw na panahon na upang repasuhin at i-update ang ating 1991 Local Government Code,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Garantiya ni Dy, bukas ang pamunuan ng Kamara sa panawagan na muling matalakay ng mga mambabatas ang National Tax Allotment (NTA) framework at ilang mahahalagang probisyon ng 1991 Local Government Code.
Hangad aniya ng Kamara palakasin ang kakayahan ng mga municipal government unit para lubos na magampanan ang responsibilidad — ang paghahatid ng iba’t-ibang programa at serbisyo sa kani-kanilang nasasakupan.
“Mahigit tatlong dekada na po mula nang ito ay ipasa at sa loob ng panahong iyon, malaki na ang nagbago sa pamamahala, sa ekonomiya, at sa responsibilidad ng ating mga LGU,” sambit ng kinatawan ng Isabela sa Kamara.
Matapos aniya ang tinaguriang Mandanas-Garci ruling ng Korte Suprema, na nagpalaki sa share ng local government units (LGUs) sa national tax collections, ay nadagdagan din naman ang tungkulin ng huli partikular sa pagkakaloob ng frontline services.
“Sadyang mahalaga pong balikan natin at suriin ito, dahil pagkatapos ng Mandanas-Garcia ruling, mas lumaki po ang tungkulin ng mga lokal na pamahalaan sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan,” punto pa ng lider ng Kamara.
“Subalit, ang katotohanan po ay dumagdag man ang responsibilidad, hindi ito nangangahulugang may pagdagdag sa ating mga resources o pinagkukuhanan. At sa kasamaang palad, kayo ang unang nakakaramdam nito—kapag kulang ang health workers, kapag kulang ang classroom, at kapag kailangan ng tulong ng isang barangay pero limitado ang pondo,” himutok ng lider kongresista.
Nanindigan si Dy na ang mga LGUs ay nananatiling pangunahing katuwang ng national government sa paghahatid ng mga mahahalagang programa partikular sa sektor ng edukasyon at sa larangan ng community development.
Ang pagsalang naman, aniya, sa pagbusisi ng mga kongresista sa NTA ay magbibigay-daan upang mabatid kung ano ang mga repormang dapat na ipatupad lalo sa pagbibigay ng matatag na pinansyal na kapasidad ng mga munisipalidad.
“Kaya tama po kayo, importanteng pag-usapan at pag-aralan ang mga reporma sa Local Government Code, lalo na pagdating sa National Tax Allotment at sa fiscal powers ng ating mga munisipyo. Kung mas malaki ang responsibilidad ng LGU, dapat ay mayroon ding sapat na resources para dito.”
