SA pagsisiwalat pa lamang ni Ramil Madriaga na nagpakilalang dating bagman ni Vice President Sara Duterte, pihadong may kalalagyan na ang pangalawang pangulo na nahaharap sa santambak na reklamo.
Bukod sa mga ibinunyag ni Ramil Madriaga, kumbinsido rin si Manila Rep. Joel Chua na mabigat ang kinakaharap na laban ni VP Sara sa deklarasyon deklarasyon ng Commission on Audit (COA).
Para kay Chua na tumatayong chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, halos “sure ball” na ang pagsalang ni VP Sara sa Senate impeachment court.
Partikular na tinukoy ni Chua ang rebelasyon ni Madriaga sa pagtanggap ni Sara ng kabuuang P275 milyon mula kay Pharmally financial officer Lin Weixiong at Maestrado Lim, na kilala rin sa pangalang Tony Yang para sa kandidatura ng bise-presidente.
“Lumalabas na may iba pa palang batas ang nilabag ni Vice President Sara Duterte.”
Una rito ang paglabag sa Section 81 ng Omnibus Election Code na pagbabawal sa foreign nationals na mag-ambag ng campaign funds sa mga kandidatong Pinoy at Section 96 naman, na pagbabawal naman sa sinumang kandidato o partido na mag-solicit o tumanggap ng kontribusyon.
“Kapag napatunayang dayuhan ang mga nag-ambag sa kampanya, malinaw na may isyu ng culpable violation of the Constitution,” ani Chua.
“Ang nakikita ko dito ay posibleng election offense, dahil may distribution na naganap. Kailangan natin alamin kung ang mga sangkot ay Chinese citizens. Kung sila ay foreign nationals at hindi Pilipino, malinaw na may paglabag sa election code,” dugtong ng House panel head.
Sinabi rin ni Chua na matapos ang sinasabing pagtanggap ng campaign donations sa mga dayuhan, maaari ring rin silipin kung idineklara ito ng bise-presidente sa isinumiteng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa Commission on Elections (Comelec).
“Ang tanong diyan—nasa SOCE ba iyan? Kung tumanggap ka ng ganoong kalaking halaga, dapat malinaw at tumpak ang deklarasyon. Duda ako kung may P175 million mula sa Pharmally na naka-entry sa kanyang SOCE. Iyan ang kailangang linawin,” giit ng mambabatas.
Mabigat naman para kay House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon ang desisyon ng Commission on Audit (COA) na gawing pinal ang pinalabas na notice of disallowance sa paggamit ng Office of the Vice President (OVP) ng nasa P73 million confidential funds noong Disyembre 2022.
Ani Ridon, ang naturang COA ruling ay sapat na para masabing may sapat na batayan ang reklamong maling paggamit ni Duterte ng pinamamahalaan nitong milyong-milyong confidential fund.
“This is the final judgment of the Commission on Audit En Banc—the highest constitutional audit authority of the Republic—holding that the Office of the Vice President failed to lawfully justify its use of confidential funds,” dagdag pa ng kongresista.
“When the constitutional body tasked with safeguarding the lawful expenditure of public funds has ruled that the Office of the Vice President failed to justify the use of tens of millions in confidential funds, the House Committee on Justice is fully justified—indeed duty-bound—to determine whether such conduct constitutes probable cause for impeachment against the Vice President,” punto ni Ridon.
Sa COA final ruling, inatasan din ang bise-presidente at dalawang pang opisyal ng OVP na ibalik sa gobyerno ang halagang P73 million na ginamit bilang confidential funds.
