MATAPOS maglabas ng hold-departure order ang Sandiganbayan, pinilayan naman ng Court of Appeals so dating House Speaker Martin Romualdez sa bisa ng inilabas ng freeze order.
Bukod kay Romualdez, saklaw din ng freeze order ang asawa ng dating lider ng Kamara na si Yedda Marie Kittilstvedt Romualdez, dalawang anak at isang Jose Raulito Enoy Paras na umano’y kasosyo sa negosyo ng lider-kongresista.
Kabilang sa mga nakatalang yaman na pasok sa freeze order ang Forbes Park mansion na binili ni Romualdez kay Doris Magsaysay-Ho na kilala sa shipping industry.
Ayon sa CA, may “probable cause” na ang mga bank accounts at ari-arian ay konektado sa plunder, bribery, graft at money laundering.
Gayunpaman, 20 araw lang ang bisa ng naturang freeze order na may petsang Abril 22. Sa loob ng nasabing panahon, bawal ang pag-withdraw, paglipat o pagtatago ng pera habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Saklaw ng freeze order ang 35 financial accounts na nakapangalan kay Romualdez sa iba’t ibang bangko.
Kasama rin sa freeze order ang 38 bank at financial accounts ni Paras, pati na ang mga ari-arian ng kanyang kompanyang Golden Pheasant Holdings Corp., tulad ng mga condominium units sa Bonifacio Global City.
