SA gitna ng napipintong impeachment ni Vice President Sara Duterte, isa-isa nang bumabaliktad ang mga tinaguriang die-hard supporters ni former President Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam sa Bilyonaryo News Channel, partikular na tinukoy ni dating Senador Antonio Trillanes ang aniya’y pagtestigo sa International Criminal Court (ICC) ng isang miyembro ng Davao Death Squad (DDS).
Katunayan aniya, nasa kustodiya na ng prosekusyon ang hindi pinangalang hitman na umalis umano ng bansa noong 2018 habang nangangalap ng ebidensya ang ICC kaugnay ng mga extrajudicial killings na naganap sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Para kay Trillanes, unti-unting lumilinaw ang kahahantungan ng pagdinig ng ICC bunsod ng pagdami ng testigo, kabilang si dating Police Col. Royina Garma na nasa witness protection na ng ICC, habang may iba pa umanong “in transit” patungo sa kustodiya ng korte.
“Maraming witnesses na lumalabas. Eventually, yung iba nandodoon na. ‘Yung si Garma is the latest one,” ani Trillanes. “Si Garma pumayag siya na maging testigo. Nandoon na siya sa witness protection ng ICC. Meron pa ring mga iba na ‘in transit’, ika nga doon.”
Una nang nag prisinta bilang witness laban sa dating pangulo ang dating pulis na si sina Arturo Lascanas at hitman na si Edgar Matobato.
