DISKUMPYADO ang isang mambabatas na P6.7 bilyon lang ang pumasok na pera sa bank account ni Vice President Sara Duterte, batay sa ibinahaging impormasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Giit ni Manila Rep. Joel Chua, posibleng higit pa sa naturang halaga ang transaksyon sa bangko ng pangalawang pangulo.
Ayon kay Chua na tumatayong chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, limitado lang sa tinaguriang “covered and suspicious transactions” ang ipinrisinta ng AMLC sa isinagawang pagdinig ng House Justice Committee.
“Ito pong nasa AMLC na nakadeklara, ito po yung mga covered transaction at saka suspicious transaction lamang. Hindi pa rito kasali yung mga pinasok o dineposito sa kanilang account na mas mababa sa covered transaction,” wika ni Chua.
“Kasi ‘pag sinabi mong covered transaction, ibig sabihin po niyan, P500,000 pataas. So pagka P500,000 pataas, talagang nire-report po yan sa AMLC ng bangko. Pero pagka mga below that, hindi po yun nire-report,” dagdag niya.
Kaya naman posible umanong ang naunang halaga ay hindi maituturing na kabuuang halaga ng deposits o iba pang financial transactions ng bise presidente.
Una nang kinumpirma ng AMLC na nakapagtala ang ahensya ng kabuuang 663 bank transactions — 630 covered at 33 suspicious — sa mga bank accounts na konektado sa bise presidente at mister na si Atty. Manases Carpio.
Sa nasabing mga transaksyon, P4.42 billion ang tinatawag na inflows o pumasok sa bank accounts at P1.55 billion ang outflows o nai-withdraw kung saan sinabi rin ng AMLC na mayroong pang P791.1 million halaga ng bank transactions ang hindi nila matukoy kung pumasok o lumabas sa naturang bank accounts ng mag-asawa.
Bunsod nito, sinabi ni Chua na nagkaroon ng malaking katanungan sa idineklara ng bise-presidente sa mga isinumiteng statement of assets, liabilities and net worth (SALN).
“Paano po ipaliliwanag na ‘yung numero po hindi tumutugma doon sa numero naman po ng AMLC, which is nagdedeklara po ng P4.4 billion na inflow at P1.5 billion na outflow. Ibig sabihin, ito po ‘yung mga pumasok at lumabas.”
