MAY sapat na dahilan para sampahan ng impeachment case si Vice President Sara Duterte.
Sa huling araw ng pagdinig ng House Committee on Justice, kapwa kinatigan 53 kongresista ang pagsasakdal sa pangalawang pangulo sa bisa ng mga impeachment complaints na inihain ng grupo ni Fr. Joel Saballa at Atty. Nathaniel Cabrera.
Sa isinagawang botohan, wala maski isang miyembro ng komiter ang tumutol.
Kasunod ng botohan, naghain ng mosyon si Mamamayang Liberal (ML) partylist Rep. Leila De Lima na pag-isahin na lamang ang dalawang reklamo dahil kapwa naman nakatuon sa mga paglabag ni Sara sa umiiral na konstitusyon.
Mungkahi ni De Lima, pag-isahin na lamang ang dalawang reklamo.
Bilang tugon sa hirit ni De Lima, inatasan Justice Committee Chair Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang secretariat na ihanda ang kaukulang committee report, maisumite sa mga complainants, nasasakdal at maging sa mga miyembro ng komite.
Itinakda rin ni Luistro ang muling pagpupulong ng komite sa Mayo 4 para isapinal ang Articles of Impeachment na isasalang sa pagbubukas ng plenary session para pagbotohan ng nasa 300 miyembro ng Kamara.
Para umusad sa Senado, kailangan makalikom ang komite ng suporta mula sa 106 kongresista.
Bago pinagpasyahan ng komite ang naturang usapin, naghayag ng summary at closing statement si De Lima. Ipinunto ng partylist legislator ang aniya’y malinaw na pattern ng maling paggamit at pag-abuso ng bise presidente sa P612.5 million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), batay na rin sa testimonya ng nagpakilalang bagman ni Sara.
Inilahad din ni De Lima ang resulta ng pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation’s (NBI), Notice of Disallowance na inilabas ng Commission on Audit, at maging ang certification mula sa Philippine Statistics Authority hinggil sa mga pekeng benepisyaryo ng pondong ipinamahagi ng pangalawang pangulo.
“Matapos ang tatlong clarificatory hearings batay sa mga testimonya, dokumento at ebidensyang iniharap, malinaw ang ating konklusyon —there exists probable cause,” giit ni De Lima.
“Hindi na ito basta alegasyon lamang. May malinaw, magkakaugnay, at nakaka-alarmang pattern,” dugtong niya.
Hinggil naman sa unexplained wealth ni Duterte-Carpio, binigyan-diin ni De Lima na may malaking diperensya sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ng akusado sa naitala ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na P6.77 billion “covered and suspicious transactions” sa bank account ng ng pangalawang pangulo at kabiyak na abogado.
“Ang tanong, bakit wala sa SALN? Saan ito napunta o ginamit? Bakit wala itong ni bakas lang man sa mga deklarasyon dapat sana’y sumasalamin sa buong financial truth ng isang public official? Ito po ay hindi lamang discrepancy, this is red flag of the highest order. This is a clear constitutional breach, a veritable black spot in our system of accountability of public officers,” ani De Lima.
Sa akusasyon ng grave threats at destabilization, sinabi ng ranking lady House minority official na walang duda na totoo at seryoso ang naging banta ni Duterte sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at former Speaker Martin Romualdez.
“Madam Chair, there is no question whether she uttered those threats because it is very clear that she did. In fact, masasabi natin na ang pinakamalaking ebidensya sa impeachment proceeding na ito ay si VP Sara mismo. Narinig natin ang kanyang mga sinabi at inasal, hindi niya ito itinanggi o ibinawi kailanman,” punto pa niya.
Para sa Cabrera complaint, nanindigan naman si Manila Rep. Benny Abante, na matibay ang testimonya ni Madriaga.
Binanggit din niya ang koneksyon ni Duterte sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at illegal drug trade.
“Sinasabi nila VP Sara na simple lang ang kanilang buhay, pero paano naging simple ang buhay kung may daan-daang milyong piso ang dumadaloy sa kanilang accounts na hindi maipaliwanag?”
Iginiit din ng Manila lawmaker na hindi biro o simpleng joke lamang ang mga rebelasyon mismo ni Duterte-Carpio na assassination plot laban sa pangulo, unang ginang at former House speaker.
“Ang isang mataas na opisyal na nagpapahayag ng karahasan sa halip na kapayapaan ay hindi karapat-dapat sa kanyang pwesto. Ito ay malinaw na Betrayal of Public Trust at Culpable Violation of the Constitution,” tuwirang sabi ni Abante.
“Madam Chairman, may sapat na ‘usok’ na tayo para patunayan may ‘sunog’. May malakas na probable cause upang i-impeach si Sara Duterte. Hindi ito ‘fishing expedition’—ito ay paghahanap ng katarungan para sa kaban ng bayan na nilagay sa mga duffel bag at itinago sa dilim. Panahon na upang dalhin ang kasong ito sa Senado. Panahon na para sa katotohanan,” pagtatapos niya.
