KUMBINSIDO ang House prosecution panel na mapapatalsik sa pwesto si Vice President Sara Duterte matapos makakuha ng mga dokumentong gagamitin bilang ebidensya para patunayan na may tagong yaman ang pangalawang pangulo.
Partikular na tinukoy ni House prosecutor at Bicol Saro Rep. Terry Ridon ang iba’t-ibang ari-arian na wala umano sa State of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) para sa mga taong 2007 hanggang 2024.
“Yung mga partikular na ebidensya po na ito, mayroong mga pag-aari ang pangalawang pangulo at ang kanyang asawa, at doon sa listahan po ng pag-aari ng particular na ahensya ng gobyerno, pero hindi po ito nakatala sa kanya pong SALN submissions sa kahit ano pong taon,” pahayag ni Ridon.
“So from 2007 to 2024 hindi po nakatala yun pong mga pag-aari po na ito,” paglalahad ng kongresista sa paglulunsad ng “Bantay Impeachment” sa Claret School in UP Village, Quezon City.
Ang nabanggit na okasyon ay dinaluhan ng mahigit sa 120 kinatawan mula sa anti-corruption watchdogs, civil society organizations, people’s organizations, church groups, youth formations, at concerned citizens.
Layunin ng “Bantay Impeachment” itaguyod ang accountability at transparency, gayundin ang pagkakaroon ng aktibong partisipasyon ng publiko sa tinaguriang VP Sara impeachment proceedings.
Ayon kay Ridon, ang mga bagong ebidensya ay magiging bahagi sa paglalatag ng articles of impeachment, sa usapin ng unexplained wealth ni Duterte na naunang naihain na sa Senate impeachment court.
“Ang evidence po na ito, kasi hindi po ito nailatag dun sa House proceedings sa Justice Committee, ito po ay bagong-bago. So, sa pre-trial po ipapasok,” dagdag pa ng kongresista.
“Wala nagbabawal sa prosecution panel na maglatag ng bagong ebidensya until pretrial proceedings. Kung ito po ay magseserbisyo doon po sa pagpapatunay nung mga batayan ng articles of impeachment,” paliwanag ni Ridon.
Sinabi ni Ridon na mailalantad ang buong detalye ng mga bagong ebidensya sa pre-trial brief na isusumite ng House [prosecution panel sa Lunes, Hunyo 15.
Ayon kay Ridon, si Manila Rep. Joel Chua, na bahagi rin ng House prosecution panel, ang nakadiskubre sa mga bagong ebidensya laban sa bise presidente.
“Mahalaga lang pong i-reiterate yung in-announced lang po kahapon na mayroong pong bagong ebidensya na ilalabas, pagdating na po ng pretrial proceedings. Ang nakaisip po nito pong bagong ebidensyang ito ay wala pong iba kundi si Cong. Chua,” pagsisiwalat pa ni Ridon.
