KUMPYANSA ang Liberal Party na magbabago pa ang desisyon ni former Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo sa alok na pangunahan ang koponan ng partidong sasagupa sa 2028 presidential elections.
Ayon kay ML partylist Rep. Leila De Lima na tumatayong tagapamuno ng Liberal Party, patuloy na umaasa ang partido na tutugon ang dating pangalawang pangulo sa unang bahagi ng susunod na taon.
“Sinabi nga ng aming presidente, ang presidente ng LP si former Congressman Erin Tanada na in so far as LP is concern umaasa kami, parang ang mindset namin si VP Leni ay tatakbo kaya preparations namin is in that direction or in that regard,” wika ni De Lima.
Gayunpaman, nilinaw ni De Lima na bagamat kumbinsido ang partido na tanging si Robredo lang ang pwedeng magpataob kay Vice President Sara Duterte, bukas pa rin aniya ang lapian sa posibilidad magkaroon ng ibang kandidato.
“As of now hindi pa rin kami nawawalan ng pag-asa that VP Leni, Mayor Leni would change her mind at give it a go again for the presidency kasi nakikita po namin siya na pinakamalakas na pwede po makatalo kung hindi po ma-convict si VP Sara. Siya po ang may pinakamalakas na chance na makatalo kay VP Sara.”
Una nang inihayag ni Robredo na prayoridad niya ang reelection bid bilang alkalde ng Naga City, kasabay ng giit na hindi siya tatakbo bilang pangulo sa 2028.
Taong 2022 nang sumagupa si Robredo sa halalan kontra sa ngayo’y Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
