HINDI pa man naungusan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at anak na bise-presidente ang kani-kanilang kaso, target ng isang kongresista dagdagan ang kanilang problema.
Sa isang pahayag, hiniling ni House Committee on Human Rights chairman at Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan na rin ang posibilidad na may kinalaman ang pamilya Duterte sa tinawag niyang “coordinated destabilization plot.”
Partikular na binanggit ni Abante ang patutsada ni Davao City Mayor Baste Duterte sa aniya’y kapalaran na posibleng sapitin ni Pangulong Ferdinand Marcos.
“Kanina po pinapakinggan ko ang mga clarificatory questions sa NBI. Let me spin the statement of Mayor Baste (Duterte) on the Mussolini and the Romanovs in relation to the statement of VP Sara on her being the designated survivor,” ani Abante.
Higit na kilala si Benito Mussolini ng Italy at mga Romanovs ng Russia na pinatay ng mga mamamayan sa kahindik-hindik na pamamaraan.
“Palagay ko related po ito eh sapagkat ang pinapalagay po ni Mayor Baste, sa aking palagay, ang mga Romanov at Mussolini, ‘yun po ‘yung ating Pangulo. Pero ano po naman sila? Sila po ‘yung Bolshevik at Italian partisan na pumatay kay Mussolini. ‘Yan lang po ang ibig sabihin niyan,” wika ng mambabatas.
Giit ni Abante sa NBI, maglunsad ng imbestigasyon para alamin kung may ‘coordinated destabilization plot” na naglalayong patalsikin sa marahas na paraan si Marcos.
