HIGIT na angkop ipaunawa sa mga mamamayan ang natatanging layon sa paglilitis ng Senate impeachment court kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag, nilinaw ni House prosecutor Lorenz Defensor na walang plano ang lupon ng tagausig idiin ang bise presidente sa kasong kriminal, bagkus ay patunayan lamang ang paglabag ng pangalawang pangulo sa umiiral na konstitusyon.
Giit ni Defensor, ang impeachment proceedings ay pamamaraang batay sa Konstitusyon kung saan inaalam kung karapat-dapat pang patuloy na manungkulan ang isang mataas na opisyal ng gobyerno.
“Dapat hindi tayo maging technical dito sa Senate impeachment trial. Again, this is not a judicial process. Ang betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution ay napakalawak ng depinisyon ng pagkakamali sa Saligang Batas,” wika ni Defensor.
“Mas gusto kong maintindihan ng pangkaraniwang mamamayan, na ang gusto naming patunayan dito ay paglabag sa Konstitusyon, hindi simpleng krimen,” dagdag niya.
Nagbabala rin si Defensor sa mga diskurso sa publiko hinggil sa mapanlinlang at baluktot na naratibo hinggil sa pagdinig ng senado na tumatayong husgado.
“Araw-araw akong nababahala sa fake news at sa pag-twist minsan sa mga lumalabas sa Impeachment Court. But I do not want the public to put their trust in fake news,” ani Defensor.
“Hindi ako nababahala na ang ebidensya ay maiiba sa pagtingin ng ating mga Senator-Judges dahil mga mahuhusay sila at sigurado akong maiintindihan nila kung ano ang tama. Nababahala ako sa publiko na naiiba ang pagtingin nila dahil sa fake news.”
