ARESTADO sa ikinasang operasyon ng pulisya ang tatlong indibidwal matapos mabisto ang iligal na bentahan ng liquefied petroleum gas (LPG) sa bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng Philippine National Police (PNP), timbog sa buy-bust operation na ikinasa Rizal PNP sa Barangay San Isidro sina alyas Ruth, Elvira at Rodel na pawang nasa hustong gulang
Ayon kay Rizal provincial police director Col. Eleazar Barber Jr., ikinasa ang buy-bust operation matapos magsagawa ng test-buy ang isang undercover agent bunsod ng nakalap na impormasyon sa umano’y ilegal na bentahan ng LPG sa naturang bayan.
Narekober ng mga operatiba ang nasa 246 basyo ng 11 kilogram LPG, 22 piraso ng 22 piraso ng 2.7 kilogram LPG cylinder, dalawang storage tank at dalawang bullet trailer.
Sa pagtataya ng pulisya, aabot sa P8.481 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na ebidensya.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 11592 na mas kilala sa tawag na LPG Industry Regulation Act.
Babala ni Barber, walang sasantuhin ang pulisya sa kampanya kontra iligal na aktibidad nasasakupang probinsya.
Samantala, tiniyak ng Rizal PNP chief na hindi siya magdadalawang-isip na sibakin ang chief of police na aniya’y “natutulog sa pansitan,” gayundin yaong mga “patong” sa mga iligal na aktibidad.
Ang Montalban PNP at pinamumunuan ni Lt. Col. Gaffud Arwyn Derilo.
