“WALA na ba kayong bagong fake news? Lumang tugtugin na ’yan, ‘wag masyadong pa-victim,” kantyaw ng isang kongresista sa kampo ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, nakakaumay na ang paulit-ulit na naratibo ng pangalawang pangulo.
“Gasgas at lumang tugtugin na ’yan. Kapag hinihingan ng sagot sa ebidensya, ang balik agad ay paratang na may kumikita, may pera sa bulsa, may maleta. Sagutin na lang niya ang Articles of Impeachment dahil doon nakasulat ang mga tanong na kailangan niyang harapin,” giit ni Ortega.
Ayon sa La Union solon, ang banat ng bise presidente ay katulad sa mga nauna nitong litanya na sa halip na sagutin ang mga kinakaharap ang paratang ay gagawa ng ibang isyu laban sa impeachment proceedings ng Kamara.
“Kung may mahigit 200 mambabatas na handang pumirma at kung malaking mayorya ng publiko ang gustong magkaroon ng paglilitis, hindi na niya pwedeng sabihin intriga lang ito.”
“This is no longer about her press statements. This is about evidence, accountability and the proper constitutional process,” paliwanag ng mambabatas.
Punto pa ni Ortega, “kung tingin niya walang basehan ang impeachment, then the proper answer is evidence, documents and direct explanation. Hindi ‘yung bawat tanong sa P612.5 million, SALN, AMLC records, cash envelopes at threats ay sasagutin ng paratang na may kumikita sa pangalan niya.
“Ang gusto ng taumbayan, humarap siya at sumagot. Hindi na uubra ang pa-victim script at diversionary tactics dahil masyadong seryoso ang mga paratang at masyadong malaki ang perang pinag-uusapan,” anang ranking House official.
Itinanggi rin ni Ortega ang sinasabing panunuhol at panggigipit sa mga mambabatas para suportahan ang impeachment charges.
Aniya, malaking insulto sa hanay ng mga kongresista na masusing naghimay ng Articles of Impeachment ang walang basehang palusot ng pangalawang pangulo.
“Mas madaling mang-insulto kaysa magpaliwanag. Pero kung bilyon ang pinag-uusapan, kung public funds ang sangkot at kung mismong taumbayan ang humihiling ng trial, the decent thing to do is face the charges, not smear the people asking the questions,” sabi pa ni Ortega.
Sinegundahan naman ni Deputy Speaker at Zambales Rep. Jay Khonghun ang posisyon ni Ortega, kasabay ng panawagan kay VP Sara na pagtuunan na lamang ng pansin o direktang sagutin ang impeachment complaints.
“May karapatan si VP Sara na magsalita at ipagtanggol ang sarili niya. Pero kung impeachment ang pinag-uusapan, mas makabubuti sagutin niya ang mga alegasyon at ebidensya sa tamang forum, sa lugar na inilatag ng constitutional processes,” giit ni Khonghun.
“Hindi makakatulong sa taumbayan kung maililihis ang usapan sa ibang isyu habang may seryosong tanong tungkol sa paggamit ng pondo ng bayan, sa kanyang SALN, AMLC records at iba pang matters raised in the Articles of Impeachment,” dagdag niya.
Paalala ni Khonghun kay Duterte, may kaukulang imbestigasyon sa sinasabing flood control projects anomaly, na dapat hayaan umusad.
“Kung may dapat imbestigahan sa flood control projects, hayaan natin ang tamang institusyon na gawin ang trabaho nila. Pero hindi rin dapat matabunan ang impeachment case dahil iba ang proseso niyan, iba ang ebidensya at iba ang pananagutang kailangan harapin,” saad ng kongresista.
“Ang hinihingi ng publiko ngayon ay malinaw na paliwanag sa mga isyung nasa Articles of Impeachment at mas makabubuti sa bansa kung ang usapan ay manatili sa records, evidence at constitutional process, dahil doon masusukat ang pananagutan ng sinumang mataas na opisyal.
