MATAAS na demand sa kuryente ang nakikitang dahilan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa likod ng mga forced outages sa Luzon at Visayas.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng NGCP na isinailalim na sa red alert status ang mga power grids sa Luzon kung saan nakaranas ng forced outage at derated capacity ang ilang power plants.
Inilagay naman sa yellow alert status ang mga lalawigan sa Visayas.
Ayon sa NGCP, asahan ang rotational brownout sa Luzon mula alas 4:00 ng hapon hanggang alas 10:00 ng gabi.
Sa Visayas, dalawang beses isang araw ang inaasahang pagkawala ng supply ng kuryente — mula alas 3:00 hanggang alas 4:00 ng hapon at mula alas 10:00 hanggang alas 11:00 ng gabi.
Pag-amin ng NGCP nasa 12,479 megawatt (MW) lamang ang available capacity — mas mababa kumpara sa 12,595 MW peak demand.
Nasa 17 planta naman anila ang naka-forced outage at 14 na may derated capacity.
Sa Visayas, meron lamang 2,413 MW available capacity kumpara sa 2,541 peak demand. Nasa 11 plata ang nasa forced outage habang 12 ang may derated capacity.
