MATAPOS magviral ang video ng isang police mobile car na halos kasabay na lumabas ng mga sasakyang ginamit sa pagtakas ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, inamin ng hepe ng Pasay City Police na siya ang lulan ng nasabing sasakyan.
Gayunpaman, itinanggi ni Pasay City police chief Col. Joselito De Sesto na hindi bahagi ng anumang convoy o escort ang naturang mobile patrol car para sa sinumang personalidad.
Ayon kay De Sesto, may isinagawang operasyon ang Pasay City Police sa naturang lugar.
Paglilinaw ng opisyal, nagkataon lamang na sabay na lumabas ang kanilang mobile patrol car at isang itim na van, kasabay ng giit na wala silang ideya na si Dela Rosa ang lulan ng naturang sasakyan na ginamit sa pagtakas ng puganteng mambabatas.
Katunayan aniya, dumiretso ang sinasakyang mobile patrol car sa World Trade Center pabalik sa Pasay City Police Station.
